Archive for the ‘soberanya’ tag
Palayasin ang mga pakialamerong sundalong Kano
Nang mabasa ko ang balitang ito, naalala ko tuloy ang pamagat ng mga nakaraang blog post ni Arbet tungkol sa mga nararanasan ng mga magigiting ng Sumilao farmers. Kababuyan ang salitang ginamit niya.
Bagaman hindi tungkol sa Sumilao farmers ang sulating ito, gusto ko ring gumamit ng mga ilang salita upang ibuod ang nangyari sa Mindanao noong Nobyembre 30 nang inutusan daw ng mga sundalong Amerikano na isara ang ospital sa bayan ng Panamao pagdating ng alas-6 ng gabi.
Bastusan. Ito ang isa sa mga salitang madaling makakapagsaad ng pangyayaring iyon.
Ayon sa balita ng Inquirer.net:
Earlier, Dr. Silak Lakkian, chief of the Panamao district hospital, said US forces led by a Master Sergeant Ronburg have threatened to shoot anybody seen at the hospital premises after 6 p.m.
“I take back those words and I am apologizing, it’s unfortunate but it was not really the real intention. Our real intention was to protect the people but reception (how locals took the order), we were just misunderstood,” Tan quoted Major Eric Walker as saying during a “face to face confrontation” with Lakkian on Sunday morning.
Walker is commander of Joint Special Operations Task Force (JSOTF) Sulu Forward Base based in Camp Teodulo Bautista in Jolo.
Bastusan talaga. Tama ang reaksyon ni Sulu Sulu Governor Abdusakur Tan na mali ang ginawang utos ng mga sundalong Amerikano dahil wala silang karapatan at kapangyarihan na gawin ang nasabing utos na nagpapasara sa ospital. Ang mas nakakabahala at mas nakakaalarma ay ang pasabi ng mga Kano na babarilin nila ang sinumang nasa paligid ng ospital kapag sumapit ang alas-6 ng gabi.
Matino at mahusay talagang mag-isip ang mga aroganteng sundalong Amerikano. Kung basta na nga naman silang mamamaril ng mga tao sa paligid ng ospital ay hindi mawawalan ng gawain at magkakaroon ng silbi ang opsital!
Sadyang arogante talaga ang mga sundalong Amerikano dahil todo tanggi ang mga ito nay nangyari ang naturang insidente at ngayon ay itinatanggi nila na may sundalong Amerikano na nagngangalang Ronburg ang nakadestino ngayon sa Sulu. Tama sila, wala nga si Ronburg sa Sulu at ako naman ang Hari ng Inglatera!!
Ang insidenteng ito ay patunay lamang na ang pagkakaroon ng mga dayuhang sundalo sa Mindanao ay hindi nakakatulong sa ating mga Pilipino. Bagkos, nakakalikha pa ito ng mga problema at krisis. Sa halip na magtuloy-tuloy ang usapang pangkapayapaan ay pinapalala lamang ng mga dayuhang sundalo ang sitwasyon.
Hindi lamang dapat magsampa ng pormal na protestang diplomatiko ang pamahalaan tungkol dito, dapat ay palayasin na sa Pilipinas ang mga sundalong dayuhan. Mukha wala naman kasing natututunan ang AFP dahil sa tagal nang panahon nang nagsasanay sila kasama ang mga sundalong Amerikano ay hindi pa rin nila matalo ang walang 800 Abu Sayyaf. Nakakahiya dahil nasasayang lang ang pera ng taumbayan at mas nakakalungkot, maraming inosenteng sibilyan ang nadadamay.
The article has
no responses yet