Sumilang

Mga kuru-kuro, opinyon, at kwentong buhay

Archive for the ‘NPA’ tag

Hindi pa tapos ang pasko para sa AFP?  

2008 na, pero mukhang nasa panahon pa rin ng pasko at paghihiling ang AFP.

Minungkahi nito na buhayin muli ang national ID system, nang sa ganoon ay tuluyan daw masugpo ang mga rebeldeng NPA at mga terorista. Talaga lang ha?

Ang mungkahi/hiling na ito ay base sa sinabi nilang ito na raw ang pinaka-mahinang estado o kalagayan ng NPA sa loob ng 20-taon, kung saan 6,000 na lang daw ang mga aktibong rebelde na nakalat sa buong bansa.

May mga dagdag ‘kahilingan’ din ang militar:

  • Buhayin muli ang ROTC
  • Dagdag na P3.5 bilyong piso para sa kanilang mga programa
  • Karagdagang 6 na batalyong sundalo
  • Karagdagang 20 kompanya ng mga CAFGUs

Nahihibang na ba talaga ang militar? Kung totoo nga na ngayon na ang pinakamahinang estado ng mga NPA sa loob ng 20-taon, bakit pa nila kailangan ng karagdagang armas, pondo, sundalo at isasailalim muli ang mga kabataan sa karahasan at puno ng korupsyong mundo ng ROTC?

Marahil ibig sabihin nito ay mas malaki ang nalagas sa kanilang panig kaya humihingi sila ng mga dagdag pwersa at kagamitan. Muli, para saan ang mga pagsasanay na natatanggap nila mula sa mga Kanong sundalo? Hindi ba dapat naging mas ‘efficient’ at hindi matakaw sa rekurso ang operasyon ng militar dahil sa modernong pamamaraan ng pakikipaglaban?

Tapos na ang pasko, kung may hahabol man sa kanilang mga kahilingan na dapat tugunan ng pamahalaan ay wala nang iba pa kung hindi mga pampublikong paaralan at pamantasan.

The article has

one response

Written by jhay

January 8th, 2008 at 10:03 am

Posted in Opinyon

Tagged with , , ,