Sumilang

Mga kuru-kuro, opinyon, at kwentong buhay

Archive for the ‘militarisasyon’ tag

Hipokrito ang militar  

Noong nakaraang Hunyo ay nagkaroon ng isang forum sa Pamantasang De La Salle DasmariƱas tungkol sa komunismo sa Timog-Katagalugan. Ito ay pinagsamang proyekto ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, Kolehiyo ng Pagpapatupad ng Batas at Cavite Studies Center.

Bidang ispiker ang mga kumander ng Southern Luzon Command - AFP sa naturang forum na dinaluhan ng mga mag-aaral na kumukuha ng Kriminolohiya, Agham Pulitika, at mga pakuldad mula sa Departamento ng Agham Panlipunan, atbp.

Kasama ko sina Sir Edwin at Sir Lukcy mula sa Sentro sa Pagpapaunlad ng Pamayanang Lasalyano o Lasallian Community Development Center at ang Pangulo ng University Student Council na si JM Amihan upang makinig sa presentasyon ng mga sundalong nakatalaga sa Kabite. Ang kanilang paksa ay tungkol sa “banta ng komunismo” sa Timog-Katagalugan. Ang mga forum na ito ay bahagi malamang ng kampanya ng AFP laban sa insergensi at komunismo, partikular ang pagkakalat ng propaganda, este “educational forums” upang “maliwanagan” ang mga mag-aaral at kabataan tungkol sa Komunismo sa Pilipinas.

Bagaman hindi namin nasimulan ang programa, nalaman namin na naglektyur ang mga militar tungkol sa kung ano Komunismo, sinu-sino ang mga Komunista, at paano sila kumikilos upang makamit ang kanilang mga layunin. Bagay na hindi papayagan ng estado, simbahan at militar.

Hindi ko na idedetalye ang mga sinabi ng mga militar mula sa Southern-Luzon Command dahil shempre, ito ay may bias sa kanila. Ilan lamang sa mga bagay na ikinalaglag ko sa aking upuan dahil sa kakatawa ay ang mga sumusunod:

  • Ang mga komunista daw ang dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang Pilipinas. Hindi raw namumuhunan ang mga dayuhang kapitalista sa ating bansa dahil sa takot nila sa mga Komunista at rebelde.
  • Mas pinapahalagahan pa rin daw ng gobyerno ang edukasyon kaysa sa gastusin ng militar.
  • Hindi raw maiwasan ng mga sundalo ng barilin ang mga bata, babae, matanda at iba pang sibilyan sa mga malalayong probinsya dahil kapag sila ay nakitang (nakita lang ha, hindi pa kumpirmadong mga NPA nga) kasama ng mga hinihinalang NPA ay NPA na rin sila kaya pwede nang pagbabarilin. Kung tamaan daw sila ay paumanhin na lang at iyon ay collateral damage o casualty.
  • Ang mga NPA daw o miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nagpapadala ng mga recruiter at infiltrators sa mga pamantasan upang mag-organisa ng mga grupong aktibista at lumikha ng kaguluhan sa mga naturang pamantasan.
  • At ang pinaka-nakakatawa ay ang AFP daw ang unang gumagalang sa mga batayang kalayaang demokratiko at karapatang pantao na nakapaloob sa ating Saligang Batas tulad ng

    “…freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” Art. III, Sec. IV 1987 Constitution

Dito ako labis na natawa dahil nakita mismo ng mga guro, administrador at pakuldad na naroon sa forum kung paano ito harap-harapang nilapastangan ng mga kumander mula sa Southern-Luzon command.

Nangyari ito nang sinimulan ang open forum at nagtanong ang isa sa mga guro. Bakit daw mas malaki ang ginagastos ng gobyerno sa PMA samantalang paliit nang paliit ang badyet para sa UP at iba pang pampublikong pamantasan at kolehiyo?

Dahil “nahuli” sa tanong na iyon, at medyo nagkamali sa barirala o grammar ang naturang guro kung saan nasabi niya na nasa ilalim ng DepEd ang PMA na siya namang itinuwid ng heneral sa paraang ganito:

Tuwing magpapatuloy sa pagtatanong ang guro mula sa De La Salle, magsasalita din ang heneral sa mas malakas at mataas na tono ng pananalita. Dagdagan pa ng paggamit ng mikropono at talagang hindi na narinig ang boses ng gurong nagtatanong lang naman.

Dahil dito, hindi na nakapagsalita pa ang naturang guro, samakatuwid, nilapastangan ng AFP ang kanyang karapatang makapagsalita at makapaghayag ng kanyang saloobin.

“We in the AFP are among the first to respect and uphold Human Rights and other democratic freedoms.”

Kalokohan!

Ang mas nakakalungkot pa nito, ni wala man lang kahit isa mula sa mga pakuldad, administrador na mula sa De La Salle DasmariƱas ang tumulong at umalalay sa kanilang “colleague” na sa harap nila mismo, sa sarili nilang pamantasan ay binastos at nilapastangan ang mga karapatan.

Sa halip, tango at tango muli ang kanilang ginagawa sa bawat sinasabi ng mga militar. Tsk tsk tsk

Ang lalakas pa namang tawagin ang mga sariling “Lasallians.”

The article has

4 responses

Written by jhay

July 19th, 2007 at 7:56 pm