Archive for the ‘kwentong buhay’ tag
Para maiba naman
2 linggo ko nang pinag-iisipan kung gagawa ako ng bukod na blog para sa mga ganitong uri ng posts, yung mga walang katuturan at magkukwento lang ako ng kung anong nangyari sa akin sa maghapon o mga nakalipas na araw. Bagay na hindi masyadong pagkakainteresan nyo o makakatulong sa inyo dahil hindi naman ako artista o prominenteng tao. Isang simpleng mamamayan lang na maraming pangarap, masyadong maraming organisasyon kinabibilangan at gustung-gusto nang makabili ng MacBook.
Bakit naman ako magboblog tungkol sa mga ganitong bagay kahit na alam ng karamihan na hindi ako “fan” ng personal blogging. Masyado akong seryoso sa mga sinusulat ko sa blog, pero dahil sa ganoong bagay, madalas ay nagkakaroon ako ng “blogger’s block.” Yung hindi makapag-blog dahil walang lumalabas sa aking isip. Kahit na humarap pa ako sa kompyuter maghapon ay wala pa ring maisusulat.
Kaya napag-isipan kong dito na lang sa Sumilang magsulat ng mga bagay na personal ang dating. Pero hindi ako magkukwento ng kung anong ginawa ko pagkagising, habang naililigo, o bago matulog. Mga kwentong buhay lang na sa tingin ko ay makakatulong sa inyo kahit papaano.
Pangalawa ay matagal-tagal na ding walang bago dito sa Sumilang, at pangatlo, mas gustong kong magkwento sa Filipino o Tagalog. Tingnan nyo na lang kung gaano na kahaba ito diba? hehehe
Pang-apat ay magandang ehersisyo ito para makapagsulat ako. Sabi nga sa pelikulang “Finding Forrester” kapag gusto mong magsulat, magsulat ka lang. Mamaya na mag-isip. Dahil ang manunulat ay nagsusulat, iwanan ang masyadong pag-iisip sa mga pilosopo at pantas.
Ika-lima, gusto ko na uling magsulat tungkol sa mga nangyayari sa ating lipunan, nang sa ganoon ay manumbalik at hindi kalawangin ang pagiging progresibo at aktibista ko. hehehe (Ewan ko lang kung masasako ng Human Security Act of 2007 ang blog na ito, tingnan na lang natin.)
Ika-anim, dahil nga gagawin kong “pseudo-personal” blog o mala-personal blog ang Sumilang mula ngayon, huwag sana kayong matakot o magtaka kung bakit paminsan-minsan ay may mga sulatin dito na sobrang iksi o mga simpleng sulatin lang. Hindi kasi ako mahilig sa Twitter kaya dito na lang sa blog. Sabi nga nila, “content is still content” kaya kung maraming content ang iyong blog, maraming babasahin si Google Bot.hehehe
Ika-pito, wala na sa ngayon at hanggang dito na lamang. Bukas, o mamaya, sunud-sunod na ang mga kwentong buhay, pagkokomento tungkol sa kalagayan ng lipunan at mga walang katuturang-bagay.
Hanggang sa muli!
The article has
4 responses