Archive for the ‘karapatang pantao’ tag
Paggunita sa ika-35 taon anibersaryo ng Martial Law
35 taon na ang nakalipas mula nang idineklara ng diktadurang Marcos ang Batas Militar o Martial Law sa Pilipinas upang sugpuin ang mga pwersang nais magpabagsak sa pasistang si Ferdinand Marcos at wakasan ang pagpapahirap sa mamamayang Pilipino.
Dahil sa Batas Militar, daan-daan ang nabilanggo, tinortyur, pinaslang, at nalapastangan ang mga karapatang sibil at pangtao. 35 taon na ang nakalipas ngunit tila walang pinagkaiba ang panahong kasalukuyan. Halos 900 kaso na ng paglabag sa karapatang pantao, mga pinaslang na mamamahayag, mga aktibista, mga estudyante at lider-manggagawa ang hanggang sa ngayon ay nawawala.
Patuloy pa rin ang giyera sa Mindanao kung saan libu-libong mga Muslim ang naghihirap. Hanggang sa ngayon, ang mga biktima ng pang-aabuso ng pasistang rehimeng Marcos ay patuloy na naghahanap ng hustisya. Mas nakakalungkot pa nito’y ang mga tulad nilang biktima ng garapalang pang-aabuso sa karapatang pantao ay nadadagdagan pa.
May mga nagsasabi na hindi naman bumalik ang panahon ng Martial Law, tama sila, sapagkat wala namang deklarasyon mula sa pekeng pangulo na nagsasabi nga ng ganito. Ngunit, sa istilo ng paggamit sa kinamkam na kapangyarihan, sa mga polisiya at batas na ipinasa ng administrasyong Arroyo, hindi na nga kailangan ng deklarasyon ng Batas Militar, dahil sa kabuuang epekto ng mga ito, wala nang pinagkaiba ang kalagayan ng bansa 35 limang taon na ang nakalipas.
Nariyan ang EO 464, PD 1017, “No Permit, No rally”, ang mga political harrasment sa mga progresibo at maka-kaliwang mambabatas, at ngayon ang huling elemento sa pagsisistematisa ng ‘Martial Rule’ ang Human Security Act of 2007 o ang Anti-Terrorism Law. Kung buhay si Marcos ngayon, sa aking palagay ay mamamangha siya sa nagawa ni GMA. “Small but terrorist, terrible” ika nga.
Kaya nga kahit 35 limang taon na ang nakalipas, hindi lamang ang mga mapangabusong gawain ni Marcos ang nabibigyan ng buhay at nanunumbalik sa ating mga alaala. Kung hindi, ang mga pagkilos na ginawa ng mga manggagawa, maralita, kabataan, layko at relihiyoso at lahat ng lumaban sa diktadura at pasistang rehimen ni Marcos.
Partikular dito ang isang mensahe at talumpati ng isa sa mga tanyag na lider-manggagawa na buong tapang, lakas, at talinong lumaban sa diktador, at sa huli’y buhay niya ang naging kapalit. Ang tinutukoy ko ay ang mensahe ni Felixberto Olalia, Sr. sa huling araw ng kanyang huling araw ng pag-aayuno sa Plaza Roma noong ika-4 ng Disyembre, 1983. Mula ito sa librong “20 Speeches that Moved a Nation” - mga koleksyon ng mga talumpating naglalarawan ng makulay na kasaysayan ng Pilipinas at ang mayamang tradisyon ng mga Pilipino sa pakikipagtalumpati - ni Manuel Quezon III, o MLQ3.
Sa kanyang talumpati o mensahe na pinamatagang “Mensahe sa Limang-araw na Pag-aayuno Para sa Pagpapalaya ng Lahat ng Detenidong Lider-manggagawa at iba pang Bilanggong Politikal” ginunita niya ang tula ng isang rebolusyunaryo, ni Mano de Verdades Posadas upang isalarawan ang kalagayan ng Pilipinas noong panahon ng Batas Militar, isang malaki at malawak na bartolina:
Gapos sa kamay, piring sa mata;
Suntok, bayo, tadyak, sampal,
Iniksyon, kuryente, hipo, sakal,
Plantsa, panggugutom,
panggagahasa.
Buhos ng tubig o paso ng sigarilyo;
At pagkatapos ay ilantaong
pagkakulong
Nang walang paglilitis o
wala man lang kaso.
Ganito ang pinaiiral na kalagayan
Sa bartolina ng piitang kapuluan.
Sa bandang huli ng kanyang mensahe, kung saan hinimok niya ang mga mamamayan na kumilos at lumaban muli niyang ginunita ang isa pang tula, muli ni Mano de Verdades Posadas:
Ang pagkakapiit
Sa halos pusikit
Na karimlan
Ay di dhilan
Upang tayo’y
Sa kababaan ng kisame
Huwag na tayong dumapa
Sa malamig na sahig;
Sa kaliitan ng silid,
Huwag na tayong sumiksik
Sa suok at humalukipkip.
Ang pagkakulong
Sa panahong
Wari’y di matatapos
Ay di dapat makaupos
Sa ating pagkilos
Tungo sa paghulagpos
Upang lalong makakilos.
Makulay, makubuluhan at hanggang sa ngayon ay nananatiling tumpak sa ating kasalukuyang kalagayan ang mga tulang ito, kahit na 35 taon na ang nakalipas. Hanggang kailan pa kaya ito magtatagal? Hanggang kailan pa natin ito hahayaan? Kapag tayo o ang ating mga mahal sa buhay ay bigla na lang rin maglalaho?
Para wakasan ang munting pagbabahagi na ito, isang dalangin ang aking iaalay, para sa mga naging biktima ng karahasan at pangaabuso sa mga karapatang pantao noong panahon ng Batas Militar at ngayong sa panahong kasalukuyan:
Hipokrito ang militar
Noong nakaraang Hunyo ay nagkaroon ng isang forum sa Pamantasang De La Salle DasmariƱas tungkol sa komunismo sa Timog-Katagalugan. Ito ay pinagsamang proyekto ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, Kolehiyo ng Pagpapatupad ng Batas at Cavite Studies Center.
Bidang ispiker ang mga kumander ng Southern Luzon Command - AFP sa naturang forum na dinaluhan ng mga mag-aaral na kumukuha ng Kriminolohiya, Agham Pulitika, at mga pakuldad mula sa Departamento ng Agham Panlipunan, atbp.
Kasama ko sina Sir Edwin at Sir Lukcy mula sa Sentro sa Pagpapaunlad ng Pamayanang Lasalyano o Lasallian Community Development Center at ang Pangulo ng University Student Council na si JM Amihan upang makinig sa presentasyon ng mga sundalong nakatalaga sa Kabite. Ang kanilang paksa ay tungkol sa “banta ng komunismo” sa Timog-Katagalugan. Ang mga forum na ito ay bahagi malamang ng kampanya ng AFP laban sa insergensi at komunismo, partikular ang pagkakalat ng propaganda, este “educational forums” upang “maliwanagan” ang mga mag-aaral at kabataan tungkol sa Komunismo sa Pilipinas.
Bagaman hindi namin nasimulan ang programa, nalaman namin na naglektyur ang mga militar tungkol sa kung ano Komunismo, sinu-sino ang mga Komunista, at paano sila kumikilos upang makamit ang kanilang mga layunin. Bagay na hindi papayagan ng estado, simbahan at militar.
Hindi ko na idedetalye ang mga sinabi ng mga militar mula sa Southern-Luzon Command dahil shempre, ito ay may bias sa kanila. Ilan lamang sa mga bagay na ikinalaglag ko sa aking upuan dahil sa kakatawa ay ang mga sumusunod:
- Ang mga komunista daw ang dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang Pilipinas. Hindi raw namumuhunan ang mga dayuhang kapitalista sa ating bansa dahil sa takot nila sa mga Komunista at rebelde.
- Mas pinapahalagahan pa rin daw ng gobyerno ang edukasyon kaysa sa gastusin ng militar.
- Hindi raw maiwasan ng mga sundalo ng barilin ang mga bata, babae, matanda at iba pang sibilyan sa mga malalayong probinsya dahil kapag sila ay nakitang (nakita lang ha, hindi pa kumpirmadong mga NPA nga) kasama ng mga hinihinalang NPA ay NPA na rin sila kaya pwede nang pagbabarilin. Kung tamaan daw sila ay paumanhin na lang at iyon ay collateral damage o casualty.
- Ang mga NPA daw o miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nagpapadala ng mga recruiter at infiltrators sa mga pamantasan upang mag-organisa ng mga grupong aktibista at lumikha ng kaguluhan sa mga naturang pamantasan.
- At ang pinaka-nakakatawa ay ang AFP daw ang unang gumagalang sa mga batayang kalayaang demokratiko at karapatang pantao na nakapaloob sa ating Saligang Batas tulad ng
“…freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” Art. III, Sec. IV 1987 Constitution
Dito ako labis na natawa dahil nakita mismo ng mga guro, administrador at pakuldad na naroon sa forum kung paano ito harap-harapang nilapastangan ng mga kumander mula sa Southern-Luzon command.
Nangyari ito nang sinimulan ang open forum at nagtanong ang isa sa mga guro. Bakit daw mas malaki ang ginagastos ng gobyerno sa PMA samantalang paliit nang paliit ang badyet para sa UP at iba pang pampublikong pamantasan at kolehiyo?
Dahil “nahuli” sa tanong na iyon, at medyo nagkamali sa barirala o grammar ang naturang guro kung saan nasabi niya na nasa ilalim ng DepEd ang PMA na siya namang itinuwid ng heneral sa paraang ganito:
Tuwing magpapatuloy sa pagtatanong ang guro mula sa De La Salle, magsasalita din ang heneral sa mas malakas at mataas na tono ng pananalita. Dagdagan pa ng paggamit ng mikropono at talagang hindi na narinig ang boses ng gurong nagtatanong lang naman.
Dahil dito, hindi na nakapagsalita pa ang naturang guro, samakatuwid, nilapastangan ng AFP ang kanyang karapatang makapagsalita at makapaghayag ng kanyang saloobin.
“We in the AFP are among the first to respect and uphold Human Rights and other democratic freedoms.”
Kalokohan!
Ang mas nakakalungkot pa nito, ni wala man lang kahit isa mula sa mga pakuldad, administrador na mula sa De La Salle DasmariƱas ang tumulong at umalalay sa kanilang “colleague” na sa harap nila mismo, sa sarili nilang pamantasan ay binastos at nilapastangan ang mga karapatan.
Sa halip, tango at tango muli ang kanilang ginagawa sa bawat sinasabi ng mga militar. Tsk tsk tsk
Ang lalakas pa namang tawagin ang mga sariling “Lasallians.”
The article has
5 responses