Archive for the ‘edukasyon’ tag
Muli, hustisya para kay Cris Mendez
Kahapon ginirantiya ng Korte Suprema ang hustisya para sa sumakabilang-buhay na estudyante ng UP Diliman na si Nino Calinao na binaril noong Pebrero 19, 1999 matapos sang-ayunan ng mataas na korte ang hatol sa pumaslang na si Resurreccion Ranin Jr.
Kahit na ibinaba ang sintensya ni Ranin na habang-buhay na pagkakabilanggo mula sa unang parusa na kamatayan, ang desisyong ito ng Korte Suprema ay paalaala na posibleng makamit ang hustisya para sa mga estudyanteng biktima ng karahasan, pang-aabuso at pamamaslang kahit sa loob mismo ng mga paaralan at pamantasan.
Ranin, who was seen walking around the UP campus with several companions before the incident, was found to have shot Calinao twice. As the student was crawling on the ground holding his abdomen, he was shot a third time. As he lay on the ground, he was shot a fourth time.
Lady guard Lina De Castro, who had stood as witness in the case, had to plead with Ranin and tug on his shirt to tell him to stop.
“Dodong, Dodong, tama na yan, patay na yang bata [Stop it, the child is dead],” the guard was quoted as saying.
After the Court of Appeals upheld the RTC’s findings, Ranin elevated the issue to the high court.
In a June 25 decision penned by Justice Leonardo Quisumbing, the high court found sufficient evidence to convict Ranin for the state scholar’s murder.
Ngayon, lalo pang maiibsahan ang hapdi na nararamdaman ng pamilya, kaanak at mga kaibigan ni Nino Calinao dahilan sa desiyong ito.
Pero hindi pa dito nagtatapos ang paghahangad ng katarungan para sa mga estudyanteng bikitma ng karahasan, nananatiling bukas ang kaso sa pagkamatay ng isa pang estudyante ng UP Diliman na si Cris Mendez.
Tulad ng pahayag ng kanyang dating kapartido sa UP na inilabas kahapon, ang mga may malasakit para sa kapakanan ng mga estudyante, lalo’t higit ang mga kaanak, kaibigan at kasamahan ni Cris Mendez ay patuloy na naghahangad ng katarungan.
MASA: Tumaas ang Matrikula, Estudyante Kakasa Ka Ba?
Ngayon ay ilulunsad na ang unang yugto ng MASA o Mass Awareness program, ang programang pang-adbokasiya at kontra-pasibo ng Konsehong Mag-aaral ng Pamantasan sa Pamantasang De La Salle Dasmarinas.
Ang paksa sa talakayan bukas ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa aming pamantasan. Shempre, ang bagay na ito, ang tuition fee increase ay hindi lamang sa De La Salle Dasmarinas nangyayari. Sa halos lahat ng kolehiyo at pamantasan, pribado o pampubliko man, ay nagkakaroon rin ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin.
Bagay na lalong nagpapahirap sa mga estudyanteng Pilipino. Bagay na lalong humahadlang sa katuparan ng kanilang mga pangarap at karapatang makatanggap ng edukasyon.
Bilang tugon sa responsibilidad nito, isasagawa ng USC ang programang ito na pinamagatang:
“Tumaas ang Matrikula, Estudyante Kakasa Ka Ba?”
Layunin ng talakayan na ito na malaman ng mga mag-aaral kung saan napupunta ang bawat piso ng mga matrikulang aming ibinabayad sa DLSUD. Ito ang unang pag-aaral sa isyung ito nang sa ganoon ay may basehan ang mga susunod na pagkilos ng mga mag-aaral kapag kinaharap nila ang isyu ng TFI o tuition fee increase.
Bukas ang talakayan para sa lahat ng mag-aaral sa DLSUD. Ito ay gaganapin sa POLCA Confrence Room sa ganap na ika-12 ng tanghali hanggang ika-3 ng hapon. Makakasama natin si G. Deodoro E. Abiog II, CPA ang Controller ng DLSUD upang ilahad sa atin ang mga pinaggugugulan ng ating mga matrikula at iba pang bayarin.
Malaya ang lahat na magtanong kay G. Abiog upang tayo ay mas maliwanagan ukol sa gastusin ng pamantasan. Nang sa ganoon ay mapag-aralan natin ang mga hakbang na gagawin sa pagharap sa isyu ng tuition fee increase, kung paano masulit ang ating pondo at kung saan tayo pwedeng makatipid, panagutin ang mga nagaaksaya sa ating mga pondo at ipaalam sa mga administrador kung saan tingin natin mas kailangan ng pondo dahil sa bandang huli, ang serbisyo sa estudyante ang pangunahing dahilan kung bakit naitatag ang pamantasan.
Bilang pinuno ng Komite sa Adbokasiya, ako ang naatasan na maghain ng isang ’situationer’ upang malagay sa tamang konteksto ang talakayan. Para dito, inihanda ko ang sumusunod na talumpati:
Pangangalaga sa Pangarap
Bakit tayo naririto? Bakit tayo nag-aaral? Bakit tayo nasa pamantasang ito?
Ito ay dahil sa ang paniniwala natin sa pamamagitan ng edukasyon, matutupad ang ating mga pangarap. Napakahalaga ng mga pangarap dahil minsan sinabi sa akin ng isang napakagaling na guro, kasama at kaibigan, na kapag tayo ay may pangarap, malayo ang ating mararating. Kapag tayo ay may pangarap, nagkakaroon ng halaga at kabuluhan ang ating buhay. Kapag tayo ay may pangarap, nagiging masigasig tayo sa kilos at gawa. Kapag tayo ay may pangarap, may nagagawa tayong kakaiba, may nagagawa tayong mga bagay na sa paglipas ng panahon ay siyang magtataguyod ng ating alaala dahil ang mga makikinabang sa mga bunga ng mga pangarap na iyon ang siyang dadakila sa ating mga pangalan.
Harinawa, mangarap din sila at ipagpatuloy ang ating mga nasimulan.
Lingid sa ating kamalayan, mayroong tao na nauna na sa ating nangarap. Nangarap siyang ang bawat bata, ano man ang antas ng katayuan sa buhay, lalo na ang mga naghihirap at dukha, ay makapag-aral. Dahil katulad natin, matibay ang kanyang paniniwala na sa pamamagitan nga ng edukasyon ay matutupad natin ang ating mga pangarap, ang umunlad at maging ganap na tao.
Ang mangangarap na iyon ay walang iba kung hindi si San Juan Bautista De La Salle. At dahil sa kanyang pangarap na makapag-aral ang mga kabataan, lalo’t-higit ang mga dukha, natatag ang Pamantasang De La Salle.
Nakakalungkot dahil daang taon na ang nakalipas mula nang unang magturo si San Juan Baustista De La Salle sa mga mahihirap, ay ganoon pa rin ang ating kalagayan ngayon. Matagal nang wala ang ating mahal na patron ngunit ang mga kaibigan, kapatid, kapwa estudyante - tayo mismo, marami pa rin sa atin ang naghihirap.
Marami pa rin sa atin ang hindi makakuha ng mga exam permit dahil sa kahirapang magbayad ng matrikula. Marami pa rin sa atin ang umaasa sa pagiging skolar. Marami pa rin sa atin ang nagsalu-salo sa kakaunting gamit sa mga laboratoryo, nagtitiyaga sa mga mabagal at tinotopak na kompyuter, marami pa rin sa atin ang nagkakasakit sa mga maduduming drinking fountain, marami pa rin sa atin ang nagtitiis sa mahahabang pila tuwing enrolment, marami pa rin sa atin ang nagkakaroon ng mga guro na kahit may mataas na antas na ng pinag-aralan ay tila hindi pa rin gumaling-galing sa pagtuturo.
Sa isang salita, tila hindi ba natin nasusulit ang bawat piso na ating ibinabayad sa pamantasang ito. Isang pamantasang naitayo para sa ating mga mag-aaral, isang pamantasang tayo rin - sa pamamagitan ng ating mga matrikula o tuition - ang patuloy na bumubuhay at nagpapanatiling bukas.
Ngunit sa kabila nito, kaliwa’t-kanan ang pagpapatayo ng mga gusali at pasilidad sa ating pamantasan. Dumarami ang mga magagara at mamahaling sasakyan na hindi naman pag-aari ng mga estudyante at karamihan ng mga guro.
Hindi ko sinasabi na masama ang mga ito, hindi ko sinasabi na itigil ang pagpapatayo ng mga bagong gusali. Ngunit ating isipin, para saan ba ang pamantasang ito? Para saan ba ang mga ibinabayad nating matrikula?
Para sa pagpapaganda ng pisikal at estetikong aspeto ng ating pamantasan? O para sa ating mga estudyanteng pumasok dito sa paniniwalang ang edukasyon sa pamantasang ito ang siyang magiging daan sa pag-abot ng ating mga pangarap?
Tumaas muli ang ating matrikula, nitong nakaraang Pebrero ay sinuspinde ng CHED ang CMO 14 na siyang naglilimita sa pagtaas ng mga matrikula at bayarin sa mga kolehiyo at pamantasan, nangangahulugan lamang na muling magtataas ang ating matrikula at bayarin sa mga susunod na taon.
Bilang mga mag-aaral, ano ang ating pwedeng gawin? Alam ko, na kaisa namin kayo sa pagtutol sa tuition fee increase. Ngunit hindi sapat na basta na lamang tayo tumutol. Dapat munang pag-aralan natin ang ating sitwasyon bago tayo kumilos. Dapat malaman muna natin kung saan napupunta ang ating mga ibinabayad na matrikula.
Nang sa ganoon ay mas mapaghandaan natin ang mga susunod na hakbang at pagkilos kaugnay sa isyu ng pagtaas ng matrikula.
At ngayon, kasama natin si G. Abiog upang tayo’y tulungan at maliwanagan.
Ang mapanupil na Exam Permit
Sa wakas ay natapos na ang Pre-lim exams sa pamantasan. Nag-aabang na lang ngayon ng resulta ng mga pagsusulit at lahat ay kinakabahan, nanalangin na sana ay nakapasa sa mga kinuhang eksam.
Ngunit para sa iba, ngayon pa lang magsisimula ang kanilang kalbaryo, ngayon pa lamang sila magsusulit para sa Pre-lims. Huli na sila ng isang linggo, yung iba ay deretso na sa kanilang mga gawain, sila naman ay naghahabol sa ibang mga guro, naghahanap ng bakanteng oras sa gitna ng ibang gawain upang makakuha ng espesyal na pagsusulit.
Ito ang patakaran sa aming pamantasan, lahat ng mga hindi nakakuha ng mga major exams sa kanilang takdang iskedyul ay bibigyan ng mga espesyal na pagsusulit, isang linggo matapos ang regular na bigayan. Ngunit magtatanong ang iba kung bakit hindi sila nakapag-eksam.
Ang iba ay hindi nageksam dahil sa tinamad, naggala, at iba pang mga mababaw at baluktot na katwiran. Yung iba naman, sinasadya dahil alam nilang mas madali ang ’special exam’ kumpara sa regular na eksam. Nakakalungkot hindi ba?
Nakakalungkot dahil yung iba naman, na may karamihan ay hindi nakakakuha ng mga exams dahil sa hindi sila binigyan ng examination permit. Isang maliit na piraso ng papel na nagsasabing bayad ka na ng matrikula kaya pwede ka nang kumuha ng exam.
Hindi lahat ay iskolar, at lalong hindi lahat ay may kakayanan na makapagbayad ng matrikula na agad-agaran, dahil para sa kanila, ang perang pamabayad ay talangang hindi madaling malikom o kitain. Pero gagawin at hahamakin halos lahat, makapagbayad lamang ng matrikula, nang sa ganoon ay maipagpatuloy ang pakikibaka na makamit ang isang nakapahalagang pangarap, ang makapagtapos ng kolehiyo. Bagay na sadyang mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino.
Ang pangarap na ito ay pinoprotektahan sa pamamagitan ng ating karapatan sa edukasyon, ano man ang antas ng iyong pamumuhay at kakayanan. Pero ang nakakalungkot nga, hindi ganito ang nangyayari. Lalo’t-higit sa mga pribadong pamantasan.
Pero teka, como ba nasa pribadong pamantasan ang isang mag-aaral ay wala na o nababawasan ang kanyang karapatan sa edukasyon? Matuwa sana ang mga kapwa ko mag-aaral sa DLSUD dahil ayon sa ating University Student Council Constitution:
“No student shall be prohibited from taking any major exams because of unpaid accounts incurred during the semester otherwise the university has the right to withold the release of issuance of such student records or documents until unpaid accounts are settled.” Article III, Section 1, e.
Malinaw na kahit hindi bayad ang buong matrikula ng isang estudyante ay pwede pa rin siyang kumuha ng major exam para sa Pre-lim at Mid-terms. Ngunit ang katotohanan ngayon ay kahit Pre-lims pa lang ay kailangan mo nang magbayad ng 40% (50% na raw ayon sa mga pinakabagong bulung-bulungan sa campus) upang ikaw ay mabigyan ng Exam permit na siya namang magsasabi na pwede ka nang kumuha ng major exams.
Dahil hindi lahat ay nakakabayad ng nasa takdang oras, marami ang hindi nabibigyan ng permit at hindi nakakakuha ng mga exams.
Ano na ang nangyari sa ating karapatang binanggit ko kanina? Ito ba ay inalis na sa bagong bersyon ng USC Constitution? Ito ba ay nakalimutan na? O ito ba ay sadyang hindi iginagalang ng administrasyon?
Sana naman ay hindi, dahil natatandaan kong kaya nalikha ang Pamantasang De La Salle, ay upang magkaloob ng edukasyon para sa lahat, lalo na sa mga mahihirap.
Hipokrito ang militar
Noong nakaraang Hunyo ay nagkaroon ng isang forum sa Pamantasang De La Salle DasmariƱas tungkol sa komunismo sa Timog-Katagalugan. Ito ay pinagsamang proyekto ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, Kolehiyo ng Pagpapatupad ng Batas at Cavite Studies Center.
Bidang ispiker ang mga kumander ng Southern Luzon Command - AFP sa naturang forum na dinaluhan ng mga mag-aaral na kumukuha ng Kriminolohiya, Agham Pulitika, at mga pakuldad mula sa Departamento ng Agham Panlipunan, atbp.
Kasama ko sina Sir Edwin at Sir Lukcy mula sa Sentro sa Pagpapaunlad ng Pamayanang Lasalyano o Lasallian Community Development Center at ang Pangulo ng University Student Council na si JM Amihan upang makinig sa presentasyon ng mga sundalong nakatalaga sa Kabite. Ang kanilang paksa ay tungkol sa “banta ng komunismo” sa Timog-Katagalugan. Ang mga forum na ito ay bahagi malamang ng kampanya ng AFP laban sa insergensi at komunismo, partikular ang pagkakalat ng propaganda, este “educational forums” upang “maliwanagan” ang mga mag-aaral at kabataan tungkol sa Komunismo sa Pilipinas.
Bagaman hindi namin nasimulan ang programa, nalaman namin na naglektyur ang mga militar tungkol sa kung ano Komunismo, sinu-sino ang mga Komunista, at paano sila kumikilos upang makamit ang kanilang mga layunin. Bagay na hindi papayagan ng estado, simbahan at militar.
Hindi ko na idedetalye ang mga sinabi ng mga militar mula sa Southern-Luzon Command dahil shempre, ito ay may bias sa kanila. Ilan lamang sa mga bagay na ikinalaglag ko sa aking upuan dahil sa kakatawa ay ang mga sumusunod:
- Ang mga komunista daw ang dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang Pilipinas. Hindi raw namumuhunan ang mga dayuhang kapitalista sa ating bansa dahil sa takot nila sa mga Komunista at rebelde.
- Mas pinapahalagahan pa rin daw ng gobyerno ang edukasyon kaysa sa gastusin ng militar.
- Hindi raw maiwasan ng mga sundalo ng barilin ang mga bata, babae, matanda at iba pang sibilyan sa mga malalayong probinsya dahil kapag sila ay nakitang (nakita lang ha, hindi pa kumpirmadong mga NPA nga) kasama ng mga hinihinalang NPA ay NPA na rin sila kaya pwede nang pagbabarilin. Kung tamaan daw sila ay paumanhin na lang at iyon ay collateral damage o casualty.
- Ang mga NPA daw o miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas ay nagpapadala ng mga recruiter at infiltrators sa mga pamantasan upang mag-organisa ng mga grupong aktibista at lumikha ng kaguluhan sa mga naturang pamantasan.
- At ang pinaka-nakakatawa ay ang AFP daw ang unang gumagalang sa mga batayang kalayaang demokratiko at karapatang pantao na nakapaloob sa ating Saligang Batas tulad ng
“…freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” Art. III, Sec. IV 1987 Constitution
Dito ako labis na natawa dahil nakita mismo ng mga guro, administrador at pakuldad na naroon sa forum kung paano ito harap-harapang nilapastangan ng mga kumander mula sa Southern-Luzon command.
Nangyari ito nang sinimulan ang open forum at nagtanong ang isa sa mga guro. Bakit daw mas malaki ang ginagastos ng gobyerno sa PMA samantalang paliit nang paliit ang badyet para sa UP at iba pang pampublikong pamantasan at kolehiyo?
Dahil “nahuli” sa tanong na iyon, at medyo nagkamali sa barirala o grammar ang naturang guro kung saan nasabi niya na nasa ilalim ng DepEd ang PMA na siya namang itinuwid ng heneral sa paraang ganito:
Tuwing magpapatuloy sa pagtatanong ang guro mula sa De La Salle, magsasalita din ang heneral sa mas malakas at mataas na tono ng pananalita. Dagdagan pa ng paggamit ng mikropono at talagang hindi na narinig ang boses ng gurong nagtatanong lang naman.
Dahil dito, hindi na nakapagsalita pa ang naturang guro, samakatuwid, nilapastangan ng AFP ang kanyang karapatang makapagsalita at makapaghayag ng kanyang saloobin.
“We in the AFP are among the first to respect and uphold Human Rights and other democratic freedoms.”
Kalokohan!
Ang mas nakakalungkot pa nito, ni wala man lang kahit isa mula sa mga pakuldad, administrador na mula sa De La Salle DasmariƱas ang tumulong at umalalay sa kanilang “colleague” na sa harap nila mismo, sa sarili nilang pamantasan ay binastos at nilapastangan ang mga karapatan.
Sa halip, tango at tango muli ang kanilang ginagawa sa bawat sinasabi ng mga militar. Tsk tsk tsk
Ang lalakas pa namang tawagin ang mga sariling “Lasallians.”
The article has
no responses yet