Sumilang

Mga kuru-kuro, opinyon, at kwentong buhay

Mahina na ang tubig sa Silang  

Noong nasa elementarya pa ako ay takut na takot ako maligo sa umaga. Dahil dito sa Silang, bago dumating ang mga ika-8 ng umaga ay napakalamig ng tubig na nagmumula sa mga gripo. Pakiramdam mo ba’y galing sa refrigerator ang tubig na ibubuhos mo sa iyong katawan. Sa sobrang lamig ng tubig, lalo na kapag may bagyo o kaya ay panahon ng tagulan, mga buwan ng Oktubre hanggang Pebrero ay nagpapakulo kami ng tubig bago ito gamitin sa paliligo. ‘Pagpatay’ sa tubig ang tawag ng mga matatanda sa amin dito.

Bukod sa malamig ang tubig dito, malakas din noon ang tulo ng tubig. Hindi mo na kailangan pang buksan ng todo ang gripo dahil kahit kalahati nito ay sapat na para mapuno ang isang balde sa loob ng mga dalawampu o tatlongpung minuto. Mas ramdam mo ito kapag mapalad kayong may shower sa inyong banyo. Ito ang mas ikinakaba ko sa tuwing maliligo ako sa umaga bago pumasok sa eskwela. Nakapikit akong bubuksan ang shower at ihahanda ang sarili sa bugso ng malamig na tubig na magmumula dito na animo’y ginagamitan ka ng hose ng gamit sa pagpatay sa sunog.

Tiyak, pagkatapos naming maligo ay nagmamadali kaming makapagpunas at makapagpatuyo dahil nangangatal kaming lalabas ng banyo dulot ng lamig ng tubig dito sa Silang. Katabing bayan lang namin ang lungsod ng Tagaytay na kilala ng halos lahat na isa sa mga malalamig na lugar sa Pilipinas. Kung wala kang sapat na pamasahe papuntang Baguio, sa Tagaytay ka na lang pumunta kung nais mong makalayo sa init ng Maynila at makalasap ng malamig na klima at makaligo sa malamig na tubig. Upland Cavite kung tawagin ng mga taga-Maynila ang lugar na kinalalagyan ng Silang.

Pero noong tumuntong ako ng kolehiyo, napansin kong hindi na ganoong kalamig ang tubig dito sa Silang tuwing umaga. Kung dati ay kinakabahan ako sa tuwing magbubuhos ng tubig mula sa tabo o kaya ay bubuksan ang shower, ngayon ay kaunting lamig na lang. Minsan nga ay hinahanap ko pa ang malamig na tubig na iyon dahil tila nagiging mas mainit na ang klima ngayon dito sa Silang. Yung lamig na hindi nakakangatal pagkatapos mong maligo, yung lamig na sa unang buhos mo lang mararamdaman, nawawala na ang lamig ng tubig sa Silang.

Bukod sa pagkawala ng nakakangatal, nakakaginhawang lamig ng tubig, tila ay umuunti at nawawala na rin ang tubig mismo dito sa Silang. Kung dati ay kaunting pihit lang ng shower ay malakas na ang bagsak ng tubig, ngayon ay kahit itodong bukas mo ito, mahina at parang gumagamit ka lang ng laruang rigadera o pandilig ng bata. Mas mainam at mas matipid pa ngang gumamit na lang ng tabo sa paliligo. Pero kung gusto mo pa ring makagamit ng shower, kailangang mas agahan mo ang ligo mo dito sa Silang para masulit o magamit mo ng husto ang shower. Gumising at maligo ka ng mga bandang alas-tres hanggang alas-singko ng umaga. Nakakatamad bumangon ng ganoong oras hindi ba? Pero walang magagawa, pagkalampas ng alas-singko ng umaga ay mahina ang tulo ng tubig dito sa Silang, hindi na tulad ng dati.

Isa pa sa mga napansing kong pagbabago sa tubig ng Silang bukod sa paghina ng tulo nito at pagkawala ng lamig nito ay ang tuluyang pagkawala nito tuwing mawawalan ng kuryente. Tumitigil ang mga pambomba ng tubig ng lokal na water district dito tuwing walang kuryente. Pero noon, kahit walang kuryente ay malakas pa rin ang tulo ng tubig. Ano kaya ang dahilan? Saan napunta ang tubig?

Oo nga pala, nakapagtayo pala ng isang golf course malapit sa Emilio Aguinaldo Hi-way na tumatawid sa poblacion ng Silang. Salamat sa isang dating presidente ng Pilipinas na madalas naming nakikitang pumupunta doon at humihithit ng kanyang tabako ay mayroon na kaming ‘world-class’ na golf course sa malapit mismo sa bayan ng Silang.

Ang galing ‘diba? Tanga…este…Angat Pinoy talaga!

The article has

4 responses

Written by jhay

December 5th, 2006 at 8:55 pm

4 Responses to 'Mahina na ang tubig sa Silang'

Subscribe to comments with RSS or TrackBack to 'Mahina na ang tubig sa Silang'.

  1. Next year baka pupunta ako ng Tagaytay. Hindi ko pa kasi nararating yan eh. LOLzzzz!

    BTW, Are you interested in link exchange? Just let me know! Interesting blog you’ve got here.

    manzkee

    6 Dec 06 at 5:00 am

  2. Tama ka jhay, ang Silang ay hindi lang mayaman sa tubig bagkus mayaman din sa lupa. Pero iba na ang mundo ng Silang. Hindi na and magsasaka ang ng hahari kundi mga maliit at malalaking kompanya na malaki rin ang tinutulong sa pag unlad ng Silang.

    I agree with you jhay because I experience the same thing like you before. But we have to agree that because of this huge changes in terms of economic, politics, and technology, some are advantageous and some are not.

    One example is the technopark industry in Laguna, just boundary of Silang. They have several big water tanks w/ high powered motors that sip water underground. This technopark is a huge community. Imagine how much water they consume. Now what is the disadvantage. Maybe you know. Next time you take a bath, think of the competitors.

    Nice knowing your blog,
    Nhuj

    nhuj

    11 Jan 07 at 7:41 pm

  3. Nasira na ang Silang! isa sanang napaka gandang bayan na magkakakilala ang lahat, nagdadamayan at namumuhay ng masagana. Malinis sa bayan sa tubig, hangin at kapaligiran.
    Isang bayan na pinag hirapang ipagtanggol at paunlarin ng ating mga ninuno.
    Ano ngayon ang nangyari?–mga lupang napabenta sa mga dayuhan, mga intsik, mga naglalakihang tindahan ng mga kapitalista na nagpapahirap sa mga taga Silang. Mga damak na Bisaya!- na nagkalat sa kalye at namamalimos! wala noong araw niyan dahil lahat ay kumakayod, nag-hahanapbuhay.
    Talamak na ang krimen na dulot ng mga dayo mula sa Area sa Dasmarinas at kung saan saan pang probinsya. Itong mga taong ito na pinagsasamantalahan ang kagandahan ng Silang at kabutihan ng mga taga Silang ay dapat sipain, alisin, purgahin!
    Kailangang magising ang mga taga Silang.

    V

    17 Feb 07 at 6:33 am

  4. I think it will be more useful, if this site criticize not on general terms (When you say “Talamak na ang krimen na dulot ng mga dayo mula sa Area sa Dasmarinas at kung saan saan pang probinsya. Itong mga taong ito na pinagsasamantalahan ang kagandahan ng Silang at kabutihan ng mga taga Silang ay dapat sipain, alisin, purgahin!”). Below the belt na yan tol, think of something that you will address what’s the real score and not blaming on people!

    Taga Area

    1 Oct 07 at 3:43 pm

Leave a Reply